ALAMIN: Mga prosesong pagdadaanan kapag naaresto

ABS-CBN News

Posted at Feb 03 2018 09:48 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

May proseso na kailangang sundin ang isang naaresto upang hindi na madagdagan pa ang isasampang kaso laban dito.

Sa programang "Usapang de Campanilla" sa DZMM, tinalakay ni Atty. Claire Castro ang paksang "disobedience to lawful order" o ang hindi pagsunod sa patakaran ng batas.

Ayon kay Castro, maaaring mangyari ang disobedience to lawful order kapag ang isang naaresto ay hindi sumunod sa proseso ng batas na ipinapatupad ng isang "person in authority."

Isang halimbawa umano nito ay ang ginawa ni National Democratic Front of the Philippines (NDFP) consultant Rafael Baylosis matapos maaresto ng pulisya sa kasong illegal possession of firearms and explosives.

Ayon kay Castro, hindi sumunod si Baylosis sa ipinag-uutos ng pulis na magpa-mugshot at dumaan sa medical procedure.

''Normally bago i-inquest, ipapa-medical 'yan kasi para makita kung ito ba ay binugbog, ito ba ay may mga sugat sa katawan, kasi ito ay procedure,' '' ani Castro.

Pagkatapos ng inquest, kinakailangan namang kunan ng mugshot ang naaresto.

Paliwanag ni Castro, ang medical procedure at mugshot na hiningi kay Baylosis ay mga lawful order na kailangang sundin ng isang naaresto.

Ang hindi pagsunod sa mga prosesong ito ay maaaring humantong sa pagkakakulong ng hanggang anim na taon, ayon kay Castro.