2 patay sa salpukan ng bus, tricycle sa Nueva Vizcaya

ABS-CBN News

Posted at Feb 02 2020 01:41 PM

Puspusan ang pagsagip ng mga awtoridad sa isang pasaherong naipit sa nayuping sidecar ng tricycle matapos itong mabangga ng isang pampasaherong bus sa Aritao, Nueva Vizcaya. Retrato mula sa Bureau of Fire Protection-Aritao

Patay ang 2 pasahero habang 5 iba pa ang nasugatan nang mabangga ng isang pampasaherong bus ang isang tricycle sa bayan ng Aritao, Nueva Vizcaya noong Sabado.

Binabaybay ng tricycle ang kahabaan ng national highway sa Barangay Nagcuartelan noong umaga nang overtake-an ito ng closed van, base sa kuha ng dashboard camera ng isang sasakyan sa insidente.

Pero habang pabalik sa linya ang closed van, bigla itong pumreno, dahilan para umiwas ang tricycle na napunta sa kabilang linya ng kalsada, kung saan nabunggo ito ng kasalubong na bus.

Naipit ang mga pasahero sa loob ng sidecar ng tricycle matapos itong mayupi sa pagkakabangga ng bus, ayon kay Executive Master Sergeant Denish Estrada.

Kabilang sa mga pumanaw ang isang Jen Gallardo Pantig at ang 3 taong gulang niyang pamangkin na lalaki.

Nasa kustodiya ng mga pulis ang driver ng bus na posibleng maharap sa reklamong reckless imprudence resulting in homicide, multiple serious physical injury and damage to property. —Ulat ni Harris Julio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.