ALAMIN: Traffic rerouting sa QC, Pebrero 3

ABS-CBN News

Posted at Feb 02 2019 02:55 PM

Magpapatupad ng "stop and go" scheme at traffic rerouting ang Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) sa ilang bahagi ng Quezon City sa Linggo, Pebrero 3. 

Ito ay bunsod ng solidarity walk o salubungan ng mga grupong Muslim at Kristiyano sa Quezon City Memorial Circle bilang bahagi ng pagkondena sa magkakasunod na pagsabog sa Mindanao.

Lahat ng sasakyan na magmumula sa Elliptical Road patungo ng Kalayaan, University of the Philippines, at Commonwealth Avenue ay dapat kumanan sa East Avenue, kumaliwa sa Matalino Street, kumaliwa ng Kalayaan Avenue, at kumanan sa Elliptical Road patungo ng destinasyon. 

Ipatutupad naman ang "stop and go" scheme sa Masaya Street sa kanto ng Commonwealth Avenue dahil sa pagmartsa ng mga grupong Muslim na tatawid sa Elliptical Road matapos magtipon-tipon sa Philcoa area para sa solidarity walk. 

Samantala, may rerouting naman sa lugar ng mga Christian group na magmumula sa East Avenue at tatawid ng Elliptical Road papasok ng Quezon City Memorial Circle. 

Magsisimula ang rerouting alas-7 umaga ng Linggo. 

Nasa 22 ang namatay sa pagsabog ng dalawang bomba sa simbahan sa Jolo, Sulu habang dalawa naman ang namatay nang hagisan ng granada ang isang mosque sa Zamboanga City. 

-- Ulat ni Henry Atuelan, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.