Mga panindang di nasuri ng DTI, kinumpiska

ABS-CBN News

Posted at Feb 02 2018 12:31 AM | Updated as of Aug 01 2019 02:36 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Sinuyod ng Department of Trade and Industry (DTI) ang ilang tindahan sa Bulacan kung saan nadiskubre ang mga produktong walang lisensiya o hindi dumaan sa kanilang pagsusuri ng kalidad.
    
Sa isang tindahan ng mga appliances sa Balagtas, Bulacan, sangkaterbang produkto mula electric fan hanggang stove at electric cooker ang nakitang walang import commodity clearance (ICC) o product standards mark. 

Nagsisilbing patunay ang ICC na dumaan ang produkto sa pagsusuri ng DTI.
    
Wala ring lisensiya ang mga itinitindang produkto ng isang katabing tindahan.

Ayon kay DTI Undersecretary Ruth Castelo, maaaring makasunog ang mga produktong hindi dumaan sa pagsusuri ng ahensiya.

Kinumpiska ng DTI ang appliances at gamit na walang tatak ng ahensiya.

Bukod sa mga appliance store, nag-inspeksiyon din ang DTI sa mga supermarket. 

Sa isang supermarket, nadiskubre ng mga taga-DTI na mas mataas sa suggested retail price (SRP) ang presyo ng de-latang karne.

Pasok naman sa SRP ang presyo sa isang supermarket sa Balagtas, pero walang nakitang price tag sa ilang produkto.

Tiniyak naman ng DTI na wala pang manufacturer ng basic goods ang nag-abisong magtataas ng presyo.
    
Nilinaw din ng DTI na magsisilbing patnubay lamang ang planong paglalagay SRP sa sari-sari stores sa buong bansa.
    
Una nang sinabi ng DTI na lalagyan ng mas mataas na SRP ang sari-sari stores na humahango lang ng produkto sa mga supermarket.

--Ulat ni Alvin Elchico, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.