ALAMIN: Alternatibong daan sa pagsasara ng kalahati ng Sevilla Bridge

ABS-CBN News

Posted at Feb 02 2018 10:34 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Simula alas-10 ng gabi sa Sabado, Pebrero 3, isasara ang kalahati ng Sevilla Bridge na nasa boundary ng Maynila at Mandaluyong para sa konstruksiyon ng Skyway na magdidikit sa North at South Expressway. 

Tatlong lanes na lang ang madaraanan sa naturang tulay kaya inaasahang magsisiksikan ang mga motorista sa mga alternatibong ruta na inilatag ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) at Skyway management.

"For the first two months, isasara 'yung left side from Manila going to EDSA...So may matitirang three lanes at iyang three lanes na 'yan puwedeng two-way going EDSA, one-way going Manila or vice versa, depending sa oras ng volume ng sasakyan," ani MMDA OIC General Manager Jojo Garcia. 

Matatandaang hindi mapagdugtong ang dalawang expressway dahil sa samu't saring isyu, partikular sa right of way ng mga sasagasaang siyudad gaya ng San Juan, Mandaluyong, at Manyila.

Mga alternatibong ruta

Inaasahang magiging kalbaryo sa mga motorista ang nasabing pagsasara ng bahagi ng Sevilla Bridge lalo pa't marami ang dumadaan dito. 

May mga alternatibong ruta naman na iminumungkahi ang pamunuan ng MMDA at Skyway. 

Kung galing ka ng Maynila papuntang EDSA, may dalawang alternate routes.

Mula Magsaysay Boulevard ay kumanan ng Old Sta. Mesa, kumanan ng Cordillera, kumaliwa ng Lubiran, dumeretso hanggang Boni, tumbukin ang Maysilo, lumabas ng FB Martinez at kumanan sa Shaw Boulevard. 

Puwede ring mula Magsaysay ay kumanan sa V. Mapa, kanan sa Old Sta. Mesa, kaliwa sa Reposo, kaliwa sa Valenzuela, kanan sa P. Sanchez, kanan sa Bagumbayan street, kaliwa ng Lubiran, kaliwa ng Kalentong, at kanan sa Shaw Boulevard.

Kung pabalik naman ng Maynila, tatlo ang puwedeng pagpiliang daan.

Mula Shaw ay kumanan sa F. Blumentritt, kumaliwa sa Manalo, kumanan sa Old Sta. Mesa, kumaliwa ng Araneta Avenue hanggang sa destinasyon.

Puwede ring mula Shaw ay kumanan sa Gomezville/Hoover at Haig, kumanan sa Blumentritt, kumaliwa sa Manalo, kumaliwa ulit sa Old Sta. Mesa, kumanan sa V. Mapa, at lumabas na ng Magsaysay.

Maaari rin na mula Shaw ay kumanan sa Blumentritt, baybayin ang kahabaan ng N. Domingo hanggang sa destinasyon.

Inner roads ang lahat ng rutang binanggit kaya asahang masikip ang daloy ng trapiko.

Nababahala naman dito si Manila Rep. Sandy Ocampo.

"Talagang maliliit ang kalye ng Metro Manila pagka naging alternate route, kahit motorsiklo ay nagiging sagabal...Definitely kalbaryo po kasi imagine niyo 'yung mga galing ng Pasig papuntang QC at dumadaan ng Shaw Boulevard... Lahat iyan tatamaan ng pagsasara ng Sevilla Bridge," hinaing ni Ocampo.

Dati nang bumagsak ang Sevilla Bridge na ikinadisgrasya ng isang jeep na puno ng pasahero.

Tinatayang 17 buwan o halos isang taon at kalahati ang konstruksiyon para tuluyang magamit ang Skyway sa 2019.

Dagdag pa ng contractor ng proyekto, 24/7 ang paggawa at hindi gaya sa ibang naunang Skyway construction, hindi magiging sagabal sa daan ang mga equipment.

Para maibsan nang kaunti ang inaasahang traffic, inagahan ng isang oras ang truck ban sa lugar. Mula alas-4 ng hapon hanggang alas-10 ng gabi ay bawal dumaan ang mga trak.

Sandamakmak na traffic enforcers ang ipakakalat para asistehan ang halos 4,000 motoristang dumadaan araw-araw sa Sevilla Bridge.

--Ulat ni Doris Bigornia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.