500 babaeng nars kailangan sa Saudi

ABS-CBN News

Posted at Feb 02 2018 07:04 PM

May urgent hiring ngayon ang Ministry of Health ng Saudi Arabia na nangangailangan ng 500 nars.

Bukod sa mataas ang sahod, maganda rin ang benepisyo, na mayroon pang paid annual vacation at libreng round trip plane ticket.
    
Ilan sa mga naeengganyong mag-apply muli sa Saudi ang magkaibigang nurse na sina Pia Polinar at Glenda Bravo.
    
Gusto kasi nilang makapag-ipon pa ng experience para makapagtrabaho rin sa iba pang bansa gaya ng Germany, UK, at US.

"Iyung mga Germany at UK kasi ang daming requirements," ani Bravo.

"Marami silang opening [sa Saudi] saka puwede kang makalipat ng ibang bansa," ayon naman kay Polinar.

Mga kailangan ng Saudi Ministry of Health:

• 200 specialist nurses para sa neonatal intensive care unit (babae)
• 300 specialist nurses para sa ICU, CCU, nursery, ER, OB gyne, surgical ward at iba pa (babae)
    
Ang basic salary offer ay pumapalo sa 4,110 Saudi Riyals o halos P57,000. Libre rin ang food and accommodation.
    
"Ito ay sa Ministry of Health at siya na ang bahala mag-deploy sa hospitals… Ito rin ang stepping stone sa first world countries dahil malalaking hospitals ang papasukan nila," paliwanag ni Philippine Overseas Employment Administration (POEA) Deputy Administrator Jocelyn Sanchez.

Kailangan lang ay nursing graduate, may PRC license, at 3 taong karanasan sa trabaho.

Government to government ang sistema kaya sa POEA lang ang application.

"Mabilis ito, 2-3 months. Mabilis ang process kasi in-house facility ng POEA [ang mag-aasikaso] so sa amin na diretso ang visa [dahil] government-to-government," ani Sanchez.

Urgent ang hiring kaya hanggang Pebrero 14 lang puwedeng mag-submit ng requirements sa POEA central office at kung pasado, susundan ito agad ng interview.
    
--Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.