19-anyos na nagbenta ng nakaw na cellphone sa Cubao, tiklo

Joyce Balancio, ABS-CBN News

Posted at Feb 02 2018 05:50 PM

MANILA- Arestado ang isang 19-anyos na lalaking estudyante matapos magbenta umano ng isang nakaw na cellphone sa isang mall sa lungsod ng Quezon nitong Biyernes ng hapon.

Kinilala ang suspek na si Joaquin Segovia, na natiklo sa entrapment operation ng pulisya pasado alas-2 ng hapon sa isang mall sa Cubao.

Ayon kay Police Inspector Ramon Aquiatan, dumulog sa kanila ang mga empleyado ng isang marketing company sa Taguig patungkol sa nanakaw na demo phone na Google Pixel 2 na nagkakahalaga ng P40,000 pero nadiskubreng ibinebenta online sa halagang P28,000.

Hindi natukoy ng kumpanya kung sino ang kumuha dahil hindi nakunan ng CCTV ang krimen.

Nang tawagan aniya ng mga pulis ang dealer ng telepono, nadiskubreng pareho ang International Mobile Equipment Identity (IMEI) nito sa nanakaw na telepono.

Depensa naman ni Segovia, hindi niya alam na nakaw ang telepono dahil nabili lang rin niya ito online.

Ayon sa mga pulis, posibleng makasuhan pa rin ang suspek ng paglabag sa anti-fencing law.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.