SOCO: Babae basag ang bungo matapos hampasin sa ulo ng live-in partner

ABS-CBN News

Posted at Feb 01 2020 03:51 PM

 

MAYNILA — Walang malay at duguan nang datnan ng mga kaanak ang 24 anyos na si Danica Nuñez sa loob ng kaniyang sariling tahanan sa Maynila noong Setyembre 4, 2019.

Base sa medical certificate, nagkaroon siya ng matinding pagdurugo sa utak bunsod ng pagkabasag ng bungo at mga buto sa mukha.

"Ang dami na pong nagkalat na dugo sa may higaan nila... May na-recover po kaming ebidensiya. Parang tubo po siya, matigas na bagay. Nakalagay sa ilalim ng higaan. May stains po ng dugo ‘yun," ayon kay Police Cpl. Sherina Melad ng Manila Police District (MPD) Sta. Ana Police Station.

Nitong nakaraang buwan lang nang magising si Danica sa ospital. Aniya, wala siyang masyadong matandaan noong araw na nangyari ang krimen.

Blangko man ang biktima, natatandaan daw ng kaniyang ina ang sinapit ng anak.

"September 4, [nag-text si Danica.] 'Mama, punta ka dito. Nandito ['yung partner ko], parang nakainom. Inaantok pa ako. Manggugulo ito,'" kuwento ni Janet, ina ng biktima.

Kinilala ang kinakasama ni Danica na si Ryker Grieco Shafer, 23.

"Nag-text muna ako kay Ryker. Biglang reply, 'Mama Janet, patawarin mo ako. Napatay ko po ang anak niyo. Napatay ko po si Danica,'" sabi ni Janet.

Panoorin ang buong kuwento sa "SOCO: Scene of the Crime Operatives" ngayong Sabado, Pebrero 1, 4:15 p.m. sa ABS-CBN.

Sundan ang "SOCO" sa Facebook at Twitter (@SOCOtv) para sa karagdagang detalye.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.