Senior citizen, patay sa pamamaril sa Zamboanga City

ABS-CBN News

Posted at Feb 01 2020 06:13 AM

Patay ang isang senior citizen matapos pagbabarilin Biyernes ng hapon sa Barangay Caneler, Zamboanga City.

Kasama ng 63 anyos na lalaking biktima ang kanyang asawa na sugatan sa insidente.

Nagtamo ng tama ng bala ang matandang lalaki sa kanyang dibdib habang sa braso naman ang tama ng kanyang asawa na agad isinugod sa ospital.

Ayon sa ilang residente, nagtatrabaho ang babaeng biktima sa isang kooperatiba ng mga taxi sa lugar bilang isang bookkeeper.

Ayon kay Barangay Chairman Jesus Balan at ilang residente, bago mangyari ang insidente, nakita nila ang isang lalaki na nakaupo sa mesa sa labas ng isang tindahan na umiinom ng softdrinks.

Nang parating na ang mag-asawa sakay ng kanilang motorsiklo, agad itong tumayo at pinagbabaril ang dalawa.

Agad tumakas ang salarin na hindi umano namukhaan ng mga residente.

Sa ngayon patuloy ang ginagawang imbestigasyon ng mga pulis upang matukoy ang gunman at motibo nito.-Ulat ni Chrisel Almonia, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.