P1.3-M shabu narekober sa napatay sa suspek sa Calamba

Jonathan Vega Magistrado, ABS-CBN News

Posted at Feb 01 2020 06:00 PM

CALAMBA CITY, Laguna—Tinatayang aabot sa P1.3-milyong halaga ng hinihinalang shabu ang narekober sa isang suspek na napatay sa isang police operation sa Filinvest Road, Barangay Barandal, Sabado ng umaga.

Ayon sa Laguna Police Provincial Intelligence Branch, kasapi ng Fajardo Drug Group ang suspek na si Jayvie Bayani, alyas Diglo, 28.

Isang pulis ang nagpanggap umano na buyer ng baril ni Bayani pero nakatunog ang suspek kaya’t nagpaputok ito at pinaharurot ang minamanehong kotse.

Nakipagbarilan din ang suspek sa tropa ng Laguna Police Mobile Force Company (LPMFC) 1st Company na nagsagawa ng checkpoint malapit sa lugar ng operasyon.

Dead on arrival sa ospital ang suspek.

Narekober sa kotse ng suspek ang P5,000 na ginamit na marked money, tatlong pakete ng hinihinalang shabu na may kabuuang timbang na 150 grams at tinatayang nasa P1.3-milyon ang halaga at tatlong baril. Isa sa mga baril ay may marka umanong “BJMP Property”.

Ayon kay Laguna PIB chief, Lt. Col. Ryan Jay Orapa, bukod sa miyembro ng Fajardo Drug Group, high-value target din ng Calabarzon Police Regional Office ang suspek dahil sa mga kinakaharap nitong mga kaso na may kaugnayan sa kidnapping, murder at robbery.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.