Pulis na 'tulak ng droga' patay sa engkuwentro sa Laguna

ABS-CBN News

Posted at Feb 01 2019 08:35 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Patay ang isang pulis na umano'y tulak din ng droga sa Santa Cruz, Laguna nang maka-engkuwentro niya ang mga kapwa pulis sa buy-bust operation nitong Biyernes.

Sa video na kuha ng Laguna Provincial Intelligence Branch ng Laguna police, maririnig ang sunod-sunod na putok ng baril sa operasyong ikinasa laban sa pulis na si PO3 Jennyson Serrano.

Patay si Serrano matapos umanong manlaban sa buy-bust. 

Ayon sa hepe ng Laguna police, protektor umano si Serrano ng mga drug lord sa ikaapat na distrito ng Laguna.

"Affiliated siya sa group ni Jeremy Villegas alyas Jingjing, na top 4 drug personality sa Laguna, who died also previously during a police operation," ani Senior Superintendent Eleazar Matta.

Narekober mula kay Serrano ang 120 gramo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng nasa P400,000.

Sugatan naman si PO3 Anderson Abary na nakabarilan ng napatay na pulis.

—Ulat ni Dennis Datu, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.