20 asong kakatayin sana sa Batangas, nasagip

Kevin Dinglasan, ABS-CBN News

Posted at Feb 01 2019 04:41 AM | Updated as of Feb 01 2019 01:33 PM

PADRE GARCIA, Batangas - Nailigtas ng mga awtoridad sa bayan ng Padre Garcia, Batangas Biyernes ng hatinggabi ang nasa 20 aso na kakatayin sana.

Naaresto rin ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) at Batangas police ang 5 lalaki na umano'y kumakatay ng aso.

Ayon kay SPO4 Apollo Marasigan ng CIDG, ikinasa ang operasyon matapos makatanggap ng impormasyon ukol sa ilegal na gawain.

Tumambad rin sa mga pulis ang nasa 200 kilo ng karneng aso sa isang bakanteng lote sa Barangay Quilo-quilo South.

Watch more in iWant or TFC.tv

Ayon sa non-governmental organization na Animal Kingdom Foundation, talamak sa lugar ang pagkakarne ng aso.

"Kinukuha ang mga dogs dito kasi mura ang bilihin dito sa south. Tapos these dogs they bring this sa norte naman," ani Christian Bondoc ng Animal Kingdom Foundation.

Itinanggi naman ng mga hinuli na kumakatay sila ng aso.

"Nagbabantay po ako ng baka. Napadaan lang po ako," depensa ng isa.

Mahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Republic Act (RA) 8485 o Animal Welfare Act of 1998 at RA 9482 o Anti-Rabies Act of 2007.

Ang mapapatunayang lumabag sa RA 8485 ay maaring makulong ng hindi bababa sa 6 na buwan at hindi hihigit sa 2 taon o magbabayad ng multa na hindi bababa ng P1,000 at hindi hihigit sa P5,000 o pareho. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.