WHO nagbabala vs 'di rehistrado' na bakuna sa rabies

ABS-CBN News

Posted at Jan 31 2019 06:52 PM | Updated as of Jan 31 2019 08:13 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Naglabas na ng abiso ang World Health Organization (WHO) kaugnay ng mga counterfeit o hindi rehistradong bakuna sa isang ospital sa Kamaynilaan na itinurok sa ilang pasyente. 

Ito ay matapos ibunyag ng The Medical City nitong Miyerkoles na nakatanggap sila ng mga counterfeit na gamot ng Venorab kontra rabies na itinurok sa kanilang mga pasyente noong nakaraang taon. 

Sa inilabas na Global Medical Product Alert ng WHO, magkaiba umano ang packaging ng orihinal na Venorab na galing sa kompanyang Sanofi sa hindi rehistradong bersiyon nito. 

Ayon din sa alert, itinanggi rin ng Sanofi na kanila ang umano'y counterfeit na bakuna dahil hindi rin daw tugma sa kanilang rekord ang ibang datos na nasa pakete nito. 

Ayon pa sa WHO, posibleng hindi lang sa Pilipinas ang naabot ng counterfeit na bakuna. 

Ani Health Undersecretary Eric Domingo, posibleng sinamantala ng ilang supplier ang kakulangan sa bakuna kontra rabies noong 2017 kaya lumaganap ang ilang di rehistradong gamot sa bansa. 

Nanawagan siya sa mga ospital na maging mapanuri sa bibilhing bakuna para sa kanilang mga pasyente. 

"We just want to ask our hospitals and health care deliverers to please be very conscious kung saan nila bibilhin. Kasi pag talaga ganitong panahon na meron tayong konting difficulty in procuring supplies, diyan din talaga lumalabas yung counterfeit products," aniya. 

Nauna na ring sinabi ng CEO ng The Medical City na si Dr. Eugenio Jose Ramos na dapat managot ang sub-distributor sa Pilipinas ng Venorab na Geramil Trading. 

Pinuntahan ng ABS-CBN News ang address ng distributor pero tumanggi itong magbigay ng pahayag dahil iniimbestigahan na umano ito ng Food and Drug Administration. 

Nauna nang tiniyak ng The Medical City na sterile ang ibinigay na counterfeit na bakuna. Pero sinabi ng FDA na may pagkakataong maaaring nakakasama ito sa mga nagme-maintenance na gamot. 

"Mayroon din pong mga counterfeit drug products na mayroong halong harmful ingredients na maaari ring magkaroon ng reaction," ani Atty. Michelle Lapuz, officer-in-charge ng FDA Legal Services Support Center. 

Bagaman wala pang natatanggap na ulat na may negatibong epekto ang hindi rehistradong bakuna sa pasyente, nanawagan ang mga awtoridad na agad na magpatingin sa doktor kung nakaramdam nang kakaiba matapos magpabakuna. -- Ulat ni Raphael Bosano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.