Pagbabawal ng bag sa Quiapo Church, irerekomenda ng pulisya

Michael Delizo, ABS-CBN News

Posted at Jan 31 2019 08:47 PM

Irerekomenda ng Manila Police District na ipagbawal ang pagdadala ng bag sa loob ng Quiapo Church para paigtingin ang seguridad doon.

Ayon kay Supt. Julius Caesar Domingo, station commander ng MPD Station 3, hindi naman kailangan ang bag sa pagsisimba, katulad ng protocol sa ibang relihiyon.

Pero hindi pa raw ito aprubado ng pamunuan ng naturang simbahan kaya hindi pa maipatupad.

Nilinaw ni Domingo na walang banta sa seguridad sa Quiapo, ngunit mas mabuti nang mag-ingat.

Ito'y matapos mamatay ang 21 katao at masugatan ang higit 100 sa pagsabog sa isang Katolikang simbahan sa Jolo noong Enero 27.

Magdadagdag ng tauhan ang MPD sa paligid ng simbahan sa Biyernes dahil sa inaasahang dagsa ng mga tao tuwing Quiapo Day.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.