P850-M 'pekeng' produkto nasamsam sa Binondo, Parañaque

ABS-CBN News

Posted at Jan 31 2019 04:16 PM | Updated as of Jan 31 2019 08:27 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nasamsam ng Bureau of Customs ang P850 milyon na halaga ng umano'y pekeng mga produkto sa Binondo, Maynila at Sucat, Parañaque ngayong Huwebes. 

Sa isang pahayag na inilabas ng ahensiya, sinabi ng BOC na sinalakay ng kanilang intelligence group ang warehouse units sa Binondo at Parañaque na naglalaman umano ng mga pekeng branded products. 

Nakatanggap umano ang Customs ng ulat mula sa brand representative ng international brand ng sapatos na may mga gusali umano sa Binondo na naglalaman ng pekeng bersiyon ng kanilang mga produkto.

Nang salakayin umano ang warehouse, nakita ng mga ahente ang tinatayang nasa 2,500 sako ng umano'y pekeng produkto tulad ng sapatos at damit na nagkakahalagang P700 milyon. 

Natagpuan naman ang halong pekeng produkto mula sa mga lokal at international na brand mula sa dalawang warehouse sa Sucat, Parañaque, na nagkakahalaga naman ng P150 milyon. 

Nasa kustodiya na ng Customs ang mga pekeng produkto, na kinumpiska alinsunod sa Republic Act No. 8293 o ang Intellectual Property Code of the Philippines. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.