Birth certificate, 'cenomar,' tseke, magmamahal simula Peb. 2

ABS-CBN News

Posted at Jan 31 2018 10:30 PM | Updated as of Aug 01 2019 12:47 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Tataas ang presyo ng mga sertipiko para sa kapanganakan, patunay na di pa ikinakasal, at iba pang papeles bunsod pa rin ng dagdag-buwis sa ilalim ng Tax Reform for Acceleration and Inclusion (TRAIN).

Maging ang documentary tax para sa ilang papeles ng bangko tulad ng tseke, tataas din.

Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), tumaas sa P30 ang dati'y P15 na documentary stamp tax sa bisa ng isang revenue regulation ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na magiging epektibo simula Biyernes, Pebrero 2.

Ang documentary stamp tax ay bahagi ng binabayaran kapag kukuha ng birth, marriage, death certificate, at certificate of no marriage o "cenomar."

Dahil sa bagong buwis, magiging P155 na ang kada dokumentong nagkakahalaga ng P125. 

Kasalukuyang P140 ang mga nabanggit na sertipiko na may documentary stamp tax.

Magiging P210 naman ang cenomar na dati'y P195.

Ayon sa ilang kumukuha ng sertipiko, mabigat ang dagdag-singil lalo pa at nag-a-apply pa lang sila sa trabaho at kadalasang isa sa hinihinging rekisito ang birth certificate.

"Dapat po hindi pa nila taasan 'yong babayaran para mabilisan po 'yong pagkuha ng documents," ani Arlyn Dumandan, isa sa mga kumukuha ng birth certificate.

"Lahat na lang kilos natin, [may] tax, paano po ang susuwelduhin ng mga tao?" ani Maricel Flor, isa pang kumukuha ng sertipiko.

Ayon naman sa BIR, kailangang may pagkuhanan ang gobyerno ng pondo mula sa nawala nitong koleksiyon dahil binawasan ang buwis sa sahod o income tax.

"Sa pagbaba po ng personal income tax, that will mean reduction in collection," paliwanag ni Atty. Marissa Cabreros, BIR spokesperson. "So the government has to have a recovery measure."

DOKUMENTO SA BANGKO

Tataas din sa ilalim ng TRAIN ang singil sa documentary stamp tax para sa mga bank certificate.

Magiging P3 na ang dati'y P1.50 buwis sa kada pahina ng tseke, kaya ang 100 pirasong tseke ay bubuwisan na ngayon ng P300.

Apektado rin ang dokumento para sa loan agreement.

Magiging P1.50 na ang dati'y pisong buwis sa kada P200 utang sa bangko.

Kaya ang P1 milyong utang sa bangko na dati'y may P5,000 documentary stamp tax, magiging P7,500 na ang buwis ngayon.

-- Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.