Lalaking nang-blackmail sa dating kasintahan, arestado

ABS-CBN News

Posted at Jan 30 2020 12:51 AM

BUTUAN CITY - Hindi na nakapalag pa ang isang 30 anyos na bus inspector nang arestuhin ng mga operatiba ng Regional Anti-Cybercrime Unit 13 Martes ng gabi sa Purok 1, Barangay Ampayon, Butuan City.

Ikinasa ng mga awtoridad ang entrapment operation matapos magpatulong ang 19 anyos na dalaga na tinakot umano ng dating kasintahan na ikakalat nito ang kanyang mga hubad na larawan sa social media kung hindi ito makikipagtalik sa kanya.

Pumayag ang biktima na makipagkita sa suspek kaya ito nahuli.

“Nung nag-break sila psychological ano na rin at emotional factors nagawa niya ‘yon pag-interview namin yun ang sinabi niya at inamin naman niya na talagang nakagawa siya ng maling pag-upload ng pictures,” ani ng Regional Chief ng Regional Anti-Cybercrime Unit 13.

Pero ayon sa awtoridad, bago pa man inaresto ang suspek ay ikinalat na nito ang mga hubad na litrato sa mga kakilala at pamilya ng dalaga.

Inamin naman ng suspek ang paratang. Aniya, nagawa niya ito upang balikan siya ng kanyang ex-girlfriend.

Humingi din ito ng patawad sa biktima. “Sorry talaga kung ganito ang nagawa ko sa’yo. Naging makasarili ako dahil hindi ko talaga matanggap na wala ka na sa akin,” ani suspek.

Nakumpiska ang cellphone ng suspek pero nabura na nito ang hubad na litrato ng dating kasintahan.

Sasampahan ng Grave Coercion, paglabag ng Anti-Photo and Video Voyeurism Act of 2009 at Violence Against Women And Their Children Act of 2004 ang suspek.-Ulat ni Richmond Hinayon, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.