Foot baths, thermal checks inilatag sa ilang paaralan kontra Wuhan virus

ABS-CBN News

Posted at Jan 30 2020 07:46 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Kani-kaniyang patakaran ang inilatag ng mga paaralan sa Kamaynilaan para makaiwas sa 2019 Novel Coronavirus.

Sa isang paaralan sa Maynila, mismong mga magulang at school official ang namamahagi ng mga face mask sa mga estudyanteng wala nito.

Ayon kay Ricardo Heras, pangulo ng parent-teacher association ng nasabing paaralan, ito ay para makasigurado.

"Prevention is better than cure," ani Heras.

Naglatag din sila ng mga foot bath at sinusuri rin ang body temperature ng mga bata.

Inihahanda na rin nila ang mga alchohol na galing sa lokal na pamahalaan.

Bawal din sila sa pagmamano at pagbebeso, ayon sa principal na si Edita Lopez.

"Chances are pag nag-bless sila marami silang hinawakang marumi, so puwedeng ipasa 'yon," ani Lopez.

Magkakaroon din ng "no bag" policy ang nasabing paaralan.

Marami ring estudyante ang may face mask sa isang paaralan sa Quezon City, na dahil umano sa impluensiyang nakikita nila sa telebisyon, ayon sa gurong si Jondie Bondilla.

"Kaya’t siguro pinaghahanda ng mga magulang nang sa ganun ay maiwasan," ani Bondilla.

Nanatili namang suspendido ang klase sa ilang Chinese-Filipino schools sa Maynila kung saan may mga estudyanteng nagdiwang ng Lunar New Year sa China.

Naglatag na rin ng infrared thermal checks ang Pamantasan ng Lungsod ng Maynila sa lahat ng pasukan nito para matingnan kung may sakit ang mga pumapasok na estudyante, empleyado, at mga bisita.

Kapag natukoy na may sakit, ire-refer ito sa clinic o kaya sa ospital ng Maynila, ayon kay PLM President Noel Leyco.

Wala pa namang direktiba ang Department of Education na magsuot ng mga face mask dahil sumusunod daw sila sa abiso ng DOH.

Pero naglabas na ng memorandum ang ahensiya para paalalahanan ang lahat ng mga opisina, paaralan, at prinsipal na gawin ang lahat para maiwasan ang posibleng pagkalat ng virus.

Payo rin nila, takpan ang bibig kapag uubo o babahing, at ugaliin ding maghugas ng kamay.

"All are strictly advised to make Handwashing a habit, to always cover one’s mouth when coughing and sneezing, to avoid close contact with respiratory illness, to drink plenty of water and ensure that foods are cooked properly," anila sa memorandum.

-- Ulat ni Jasmin Romero, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.