2 tricycle driver patay sa hiwalay na pamamaril sa QC

ABS-CBN News

Posted at Jan 30 2020 04:54 PM

MAYNILA — Patay ang dalawang tricycle driver sa magkahiwalay na insidente ng pamamaril sa Quezon City noong Miyerkoles.

Nakahandusay at wala nang buhay sa gilid ng Payatas Road ang tsuper na si Dante Red matapos barilin pasado alas-9 ng gabi.

Kuwento ng asawa ng biktima na si Nikki Red, patulog na sila nang biglang may tumawag kay Dante kaya nagmadali itong umalis ng bahay.

"Wala namang kaaway asawa ko at wala ring bisyo. Hindi na kayo naawa sa amin ng mga anak ko," ani Nikki.

Ayon sa witness na si alyas "John," nakita niya ang biktima na bigla na lang daw pinaulanan ng bala ng mga salarin. 

"Umiihi lang siya sa gilid ng kalsada tapos may 2 motorsiklo dumaan, 6 na lalaki 'yun pinagbabaril na siya. Tapos may isa bumaba, tinaniman ng droga."

Ayon sa pulisya, mas paiigtingin na nila ang police visibility sa lugar lalo na’t sunod-sunod ang insidente ng pamamaril sa Barangay Payatas. 

Sa Novaliches naman, dead-on-the-spot sa Susano Road ang isa pang tricycle driver na si Jay Perigrino matapos ding pagbabarilin ng hindi pa nakikilalang salarin.

Ayon sa mga nakakita, namamasada ang biktima nang sundan siya at pagbabarilin sa ulo.

"Nagulat kami nakabulagta na, hindi ko alam wala kaming idea. Alam namin wala siyang kaaway, mabait naman 'yan. Walang kaluluwa ang tumira sa kaniya," ani Marivic Perigrino, ina ng pinaslang. 

Patuloy ang imbestigasyon sa mga pagpatay. 

—Ulat ni Lyza Aquino, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.