Mga magulang ng mga batang dinampot sa Navotas drug den kinasuhan

ABS-CBN News

Posted at Jan 30 2019 02:04 PM | Updated as of Jan 30 2019 07:36 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Sinampahan na ng kaso ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang mga magulang ng mga batang dinampot at sinagip sa iba't ibang drug den sa Navotas Fish Port noong Enero 16.

Nitong Miyerkoles ng umaga ay nagtungo mismo si PDEA chief Director General Aaron Aquino sa Navotas City Prosecutor’s Office para kasuhan ang 17 magulang ng paglabag sa Republic Act No. 7610 o Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act at Presidential Decree 603 article 59 o Criminal Liability of Parents. 

Ayon kay Aquino, babala na ito sa iba pang mga magulang na nagpapabaya sa mga anak.

Ito rin daw ay pagpapaigting ng kampanya laban sa mga grupong gumagamit ng mga bata sa ilegal na gawain. 

Base sa imbestigasyon, ginagamit bilang mga runner ang mga bata ng namamahala ng drug den. 

Nauna nang itinanggi ng mga magulang na may kinalaman ang mga anak nila sa kalakaran ng droga sa Navotas.

—Ulat ni Apples Jalandoni, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.