Barangay chairman patay sa pamamaril sa QC

ABS-CBN News

Posted at Jan 30 2019 02:20 PM | Updated as of Jan 30 2019 07:27 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

(UPDATED) Napatay nitong umaga ng Miyerkoles ang isang barangay chairman at kaniyang driver matapos pagbabarilin ng mga nakamotorsiklong salarin sa Quezon City.

Kinilala ang mga nasawi bilang sina Criselle Beltran, chairwoman ng Barangay Bagong Silang, at driver niyang si Mario Salita.

Sakay ng sasakyan si Beltran at iba pa nitong mga kasamahan nang salubungin sila ng riding-in-tandem saka pinagbabaril, batay sa kuwento ng mga testigo.

Bagaman nakaligtas ang ilang kasamahan ni Beltra, nasugatan sa tama ng ligaw na bala ang isang menor de edad na bystander.

Umabot sa 26 na basyo ng bala ng .45 na baril at 9mm na mga baril ang nakuha sa pinangyarihan ng krimen.

Bumuo na ang Quezon City Police District (QCPD) ng special task group para tutukan ang kaso ni Beltran, ani QCPD director Chief Superintendent Joselito Esquivel.

Ayon pa kay Esquivel, itinuturing nila ang insidente bilang "election-related violence" dahil tumatakbo rin sa pagkakongresista sa Quezon City si Beltran.

Nanawagan ang QCPD sa lahat ng posibleng testigo na makipag-ugnayan sa kanila para sa agarang paglutas sa kaso. --Ulat nina Johnson Manabat at Doland Castro, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.