Wuhan virus: Mga Pinoy sa Hubei province ng China puwedeng umuwi kung gusto

ABS-CBN News

Posted at Jan 29 2020 04:13 PM | Updated as of Jan 29 2020 07:19 PM

Nakatayo ang isang pulis sa isinarang seafood market sa Wuhan, Hubei province ng China noong Enero 10, 2020. Sa nasabing lungsod nag-ugat ang isang bagong uri ng coronavirus na kumalat na pati sa ibang bansa. Reuters

MAYNILA (UPDATE) — Kung gusto ay maaaring makauwi ng bansa ang mga Pilipino na nasa Hubei province, China, na nakakasakop sa Wuhan city na pinagmulan ng isang bagong uri ng coronavirus, ayon sa isang opisyal ng Department of Foreign Affairs (DFA).

Pero kailangan munang ma-quarantine ang mga uuwing Pilipino sa loob nang 2 linggo, ayon Foreign Affairs Undersecretary Brigido Dulay.

"Any Filipino who wants to come home can come home except that they will be placed under quarantine for 14 days, for their own protection as well as the protection of their families," aniya.

Watch more in iWant or TFC.tv

"We are now asking our missions in China to now collate the number of Filipinos as well as the names of those who would like to come home under that condition," dagdag ni Dulay.

Nasa 150 ang mga Pinoy sa Wuhan at higit 300 sa ibang lugar sa Hubei province na nakakasakop sa lungsod.

Ilang bansa na gaya ng Amerika, France, at Japan ang nag-evacuate ng kanilang mga citizen mula Wuhan.

Sa kabila ng sitwasyon sa Wuhan, may ilang Pinoy doon na naniniwalang hindi muna dapat sila umuwi ng bansa, kabilang ang estudyanteng si Jan Robert Go.

"Baka iwasan ako ng mga tao kasi galing akong Wuhan," ani Go, na propesor din sa University of the Philippines.

Ayon kay Go, mistulang ghost town ang Wuhan, na isinailalim sa lockdown para mapigilan ang pagkalat ng 2019 novel coronavirus (2019-nCoV).

Para sa mga gustong umuwi, maaaring makipag-ugnayan sa Philippine consulate sa Shanghai, kung saan maaari ring makipag-ugnayan ang mga maiiwang Pinoy para makahingi ng tulong medikal at supplies.

PILIPINAS WALA PA RING KASO NG BAGONG CORONAVIRUS

Sa Pilipinas, wala pa ring nakukumpirmang kaso ng 2019-nCoV, sabi ngayong Miyerkoles ni Health Secretary Francisco Duque III.

Bumaba rin sa 23 ang mga pasyenteng hinihinalang may 2019-nCoV at binabantayan ng mga health official.

Isang lalaking Chinese naman na hinihinalang may novel coronavirus ang pumanaw sa San Lazaro Hospital sa Maynila dahil sa pulmonya, ayon sa direktor ng ospital na si Edmundo Lopez.

Bukod sa pagkamatay bunsod ng pulmonya, nakita ring positibo sa human immunodeficiency virus (HIV) ang lalaki. Hinihintay pa umano ang resulta ng test sa kaniya para sa novel coronavirus.

Watch more in iWant or TFC.tv

Nasa 3.8 ang infectivity rate ng novel coronavirus, na nangangahulugang ang taong may virus ay puwedeng makahawa ng 3 hanggang 3 iba pa basta malapit sa kaniya, ayon kay Ferchito Avelino, direktor ng DOH-Epidemiology Bureau.

Hindi hamak na may mga mas nakakahawa pang sakit kaysa sa novel coronavirus, gaya ng tigdas.

PUWEDE NANG GAWIN SA PILIPINAS

Ibinahagi rin ni Health Undersecretary Eric Domingo na dumating na sa bansa ang mga confirmatory test kit para sa 2019-nCoV, na gagamitin ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM).

Bago nito, ipinadadala pa kasi ng Pilipinas sa Australia ang mga sample para malaman kung nahawahan ng 2019-nCoV ang isang pasyente, na kadalasang tumatagal ng isang buong araw.

"The subsequent tests will now be done by RITM," ani Domingo.

Nakaalerto na rin ang Bureau of Customs sa mga produktong pumapasok sa bansa, partikular ang ma gamit na ibinebenta sa mga ukay-ukay.

Ang virus mula Wuhan ang pinakabagong uri ng coronavirus, isang pamilya ng mga sakit na kinabibilangan din ng Middle East respiratory syndrome-related coronavirus (MERS-CoV) at Severe acute respiratory syndrome (SARS).

Para makaiwas sa sakit, ipinayo ng mga health official ang pagpapanatili ng proper hygiene o kalinisan sa katawan, at pag-iwas sa pakikipagkamay at pagbebeso.

Umabot na sa halos 6,000 ang nahawahan ng novel coronavirus. May 132 infected naman ang namatay na. -- May ulat nina Raphael Bosano at Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.