Tulong hatid sa pamilyang namatayan ng kaanak sa evacuation center

ABS-CBN News

Posted at Jan 29 2020 03:17 PM | Updated as of Feb 01 2020 07:25 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Nang malaman ni Shirley Magpantay na wala nang lockdown sa kanilang lugar sa Lemery, Batangas dahil sa pagbaba ng alert level ng Taal Volcano, sabik silang nag-empake ng kaniyang pamilya.

Labis umano ang pasasalamat ni Magpantay para sa mga nag-alaga sa kanila sa evacuation center na Balayan West Elementary School sa bayan ng Balayan.

Nang makauwi, agad naglinis si Magpantay ng kanilang tahanan.

Pero ang kanilang paghahanda ay hindi lamang para sa pagsisimula muli, kundi sa pagdating ng bangkay ng kanilang 78-anyos na ama na si Maximo Eguia, na inatake sa puso habang nasa evacuation center.

"Pumasok po sa CR. Noon medyo nagtagal-tagal, lumabas po, pagkalabas ng pinto, nakita namin tagaktak ang pawis, na maputla siya, maputi," kuwento ni Magpantay.

"Hindi na po umabot. Ginawa po lahat ng doktor. Napakabilis po ng mga pangyayari," dagdag niya.

Ayon kay Mariella Manalo ng Department of Health sa Balayan, dati nang may karamdaman si Eguia at madalas magreklamo ng kahirapan sa paghinga.

Nagpaabot naman ng tulong ang pamahalaang lokal ng Balayan para kay Magpantay, na namomroblema sa gastos sa libing at pagbiyahe sa bangkay pauwing Lemery.

Bilang pakikiramay, binigyan din ng ABS-CBN ng isang kabang bigas ang pamilya ni Magpantay.

Para maging handa sa ano mang sakuna, binigyan din sila ng "ligtas bags" na naglalaman ng mga bagay na maaaring magamit sa panahon ng kalamidad.

Maliban sa pamilya ni Magpantay, naghatid din ang ABS-CBN ng saya at serbisyo sa mga natitirang evacuee sa Bauan, Balayan, at Santo Tomas sa Batangas.

-- Ulat ni Bernadette Sembrano, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.