Sundalo, miyembro ng CAFGU patay sa ambush ng umano'y NPA sa Surigao del Sur

Richmond Hinayon, ABS-CBN News

Posted at Jan 29 2020 02:20 PM | Updated as of Jan 29 2020 05:16 PM

Pinaniniwalaang mga kasapi ng New People's Army ang tumira sa sundalo at miyembro ng CAFGU sa Surigao del Sur. Larawan mula sa Police Regional Office 13

MARIHATAG, Surigao del Sur – Isang sundalo at isang miyembro ng CAFGU ang patay sa pananambang na naganap sa Purok Santol, Barangay San Isidro, Martes ng hapon.

Sa imbestigasyon ng Marihatag Police, inihatid ni Austria ang kapalit ni Niegos sa Palonpon Patrol Base sa Barangay Mahaba. Matapos nito ay sumakay si Niegos at sinamahan sila palabas ng dalawa pang sundalo na sakay din ng motorsiklo pabalik naman sa Mararag Patrol Base.

Pero pagsapit sa Purok Santol sa Barangay San Isidro, pinaputukan sila ng bala ng tinatayang 20 kataong pinaniniwalaang kasapi ng New People’s Army.

Napuruhan sina Austria at Niegos habang nagpatuloy sa pagmamaneho ang kanilang mga kasabay na sundalo para humingi ng tulong sa 7th Special Forces Company sa Mararag Patrol Base.

Narekober sa pinangyarihan ng krimen ang 34 na fired cartridges ng M16. Kinuha naman ng mga rebelde ang mga baril ng mga biktima.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.