3 patay sa salpukan ng tricycle, bus sa Camarines Norte

ABS-CBN News

Posted at Jan 29 2020 04:52 PM

Isang pampasaherong bus ang sumalpok sa isang tricycle sa bayan ng Talisay, Camarines Norte. Retrato mula sa Talisay Municipal Police Station.

Tatlo ang patay sa pagsalpok ng isang tricycle sa isang pampasaherong bus sa bayan ng Talisay, Camarines Norte noong gabi ng Martes.

Sa ulat ng Talisay Municipal Police Station, kinilala ang mga nasawi bilang ang tricycle driver na si Melvin Hernandez, at ang kaniyang mga pasaherong sina Felix Rafer, 60, at Marlon Rafer, 26.

Nasugatan naman umano sa insidente ang isa pang pasahero ng tricycle na kinilalang si Lorendo del Valle.

Nabangga ng bus — na bumibiyahe mula Daet, Camarines Norte papuntang Quezon City — ang tricycle nang pumasok ito sa linya ng bus sa may Purok 2, Barangay San Isidro.

Hindi na kakasuhan ang bus driver matapos makaareglo ang mga kamag-anak ng mga biktima.

-- Ulat ni Mylce Mella, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.