2 Chinese na binaril sa Taguig, kalalaya lang: NCRPO

ABS-CBN News

Posted at Jan 29 2020 04:58 PM


MAYNILA — Kalalaya pa lang sa bilangguan ng 2 lalaking Chinese nang mapatay sila sa pamamaril noong Martes sa Taguig City, sabi ng pinuno ng National Capital Region Police Office (NCRPO).

Taong 2012 nang makulong ang 2 Chinese dahil sa kasong may kinalaman sa ilegal na droga pero dahil mahina ang ebidensiya laban sa kanila ay na-dismiss ang kaso, sabi ngayong Miyerkoles ni NCRPO Director Maj. Gen. Debold Sinas.

Tingin ng mga pulis ay planado ang pananambang. Inaalam na rin nila kung sino ang nakakaalam tungkol sa paglaya ng mga Chinese.

"Inaalam namin sa jail ano oras sila na-release at kung sino nakakaalam sa pagka-release sa kanila," ani Sinas.

Kabilang ang 2 Chinese sa 3 lalaking napatay nang tambangan ang sinasakyan nilang kotse sa Barangay Upper Bicutan noong hapon ng Martes. Isinguod naman sa ospital ang 2 batang babae na kasama ng 3 nasawi.

Hindi nakita ang mukha ng gunmen dahil nakasuot sila ng mga mask at helmet.

PAMAMARIL SA KAGAWAD, BATA

Samantala, wala pa ring natutukoy na person of interest ang mga pulis kaugnay ng pamamaril sa isang kagawad sa Santa Ana, Maynila noong Lunes, ayon kay Sinas.

Tago rin kasi ang mukha ng 4 lalaking sakay ng motorsiklo na namaril kay Kagawad Bobby Cudal ng Barangay 775.

Bukod kay Cudal, napatay rin sa insidente ang isang 8 taong gulang na babaeng bumibili lamang ng barbecue matapos itong tamaan ng ligaw na bala.

Blangko rin sa motibo ang mga awtoridad pero inaalam na nila kung may nakaalitan si Cudal.

Nakipagkita rin si Manila Mayor Isko Moreno sa magulang ng batang tinamaan ng ligaw na bala at binigyan ang mga ito ng tulong para sa burol at pagpapalibing.

Nangako si Moreno sa pamilya na makikipag-ugnayan siya sa Manila Police District para mapabilis ang imbestigasyon sa kaso.

-- May ulat ni Jeck Batallones, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.