Pagsasalegal sa medical marijuana lusot sa Kamara

ABS-CBN News

Posted at Jan 29 2019 05:01 PM

Inaprubahan ngayong Martes ng Kamara ang panukalang gawing legal ang medikal na paggamit ng marijuana.

Lumusot sa ikatlo at huling pagbasa sa mababang kapulungan ang House Bill No. 6517 o Philippine Compassionate Medical Cannabis Act sa botong 163 na "yes." Limang mambabatas naman ang bumoto ng "no" habang tatlo ang nag-abstain.

Una nang tiniyak ng may-akda ng panukala na si Isabela Rep. Rodito Albano na hindi maaabuso ang batas at hindi rin ito magbibigay ng adiksiyon.

Maiiwan lang daw umano sa marijuana ang medicinal properties nito at mawawala ang addictive properties nito.

Nakatutulong daw ang medical marijuana para maibsan ang sakit na nararamdaman ng mga taong may kanser o nakararanas ng seizure, ani Albano. 

Makatutulong din ang batas sa pananaliksik ukol sa medicinal properties ng marijuana, dagdag ni Albano.

Inaasahang ipadadala ng Kamara ang panukala sa Senado para sa kanilang aksiyon.

Nauna nang magpahayag ng suporta para sa panukala sina Pangulong Rodrigo Duterte at House Speaker Gloria Macapagal Arroyo.

Dati namang sinabi ni Senate President Vicente "Tito" Sotto III na hindi na kailangan ng batas ukol sa medical marijuana dahil nagbibigay na raw ng "special permits" ang Food and Drug Administration.

May mga doktor na tutol sa medical cannabis dahil hindi pa kumpirmado kung gaano ito kaepektibo subalit legal na ito sa ilang bahagi ng Amerika, Canada, at Poland. --Ulat ni RG Cruz, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.