MTPB team leader, timbog sa pangingikil umano

ABS-CBN News

Posted at Jan 29 2019 03:07 AM | Updated as of Jan 29 2019 10:18 PM

MAYNILA - Arestado sa entrapment operation ang isang team leader ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) dahil umano sa pangingikil ng isang negosyante na nagde-deliver ng gulay at prutas sa Divisoria.

Hinuli ng mga tauhan ng Counter Intelligence Task Force (CITF) ng Philippine National Police (PNP) si Markbien Ureta matapos nitong tanggapin ang P6,000 marked money mula sa biktima sa harap ng Manila City Hall.

Watch more in iWant or TFC.tv

Kuwento ng biktima na mula Nueva Ecija, nagluluwas siya ng gulay at prutas sa Divisoria araw-araw, pero lagi siyang hinuhuli ng mga tauhan ng MTPB.

"Akala po namin, legal 'yung permit na binibigay po sa amin na sticker," aniya.

Para hindi na siya hulihin, hiningan na siya ng buwanang bayad ng P1,000 bilang protection money. Dahil hindi sila nagkita simula Hulyo hanggang Disyembre noong nakaraang taon, umabot sa P6,000 ang hiningi ni Ureta.

Ayon naman kay Senior Supt. Romeo Caramat Jr., commander ng CITF, modus operandi umano ito ng suspek.

"Karamihan ng natatanggap naming reklamo, biyahero, negosyante, kapag trak, palaging hinuhuli ang mga ito, hinahanapan ng kung ano-anong violation. At para hindi na magbayad, magbibigay na lang sila ng protection money," aniya.

Pinabulaanan naman ni Ureta ang alegasyon laban sa kaniya.

"Nagpatulong silang makuha ang lisensiya dahil magsasara na ang city hall," depensa nito.

Ipinagtataka naman ng CITF kung bakit nakuhanan din si Ureta ng P300,000.

Paglilinaw ng suspek, para umano ito sa kaniyang trucking business. Mahaharap si Ureta sa kasong robbery-extortion.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.