4 timbog sa drug raid sa Pasig

ABS-CBN News

Posted at Jan 29 2019 04:10 PM

Apat na tao ang naaresto noong Lunes matapos salakayin ng mga awtoridad ang bahay ng umanong tulak ng droga sa Pasig City, ayon sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA).

Bitbit ang search warrant, ininspeksiyon ng mga tauhan ng PDEA ang bahay ng isang Victor Magat sa Barangay Rosario noong hapon ng Lunes.

Nakatanggap daw kasi ng mga sumbong ang PDEA na ginagawang drug den ang naturang bahay, ani Cristy Silvan, acting deputy director ng PDEA Special Enforcement Service.

Nakatakas ang suspek pero naaresto ang kaniyang misis.

Umabot sa 17 gramo ng shabu na nagkakahalagang P125,000 at ilang drug paraphernalia ang natagpuan ng mga PDEA agent sa loob ng bahay.

Naaresto rin ang tatlong lalaking nadatnan ng mga taga-PDEA sa bahay. Nagpositibo sila sa ilegal na droga nang isailalim sa drug test.

Makakasuhan ang mga nahuli ng paglabag sa Republic Act 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. --Ulat ni Apples Jalandoni, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.