Commemorative ride, umarangkada para sa SAF 44

ABS-CBN News

Posted at Jan 29 2018 02:43 PM | Updated as of Jul 26 2019 06:07 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Idinaan ng ilang miyembro ng kapulisan sa pagbibisikleta mula Maynila hanggang Cavite nitong Linggo ang pagbibigay pugay sa kabayanihan ng 44 miyembro ng Philippine National Police Special Action Forces (PNP-SAF) na nasawi sa isang engkuwentro sa Mamasapano, tatlong taon na ang nakalilipas.

Inalala ng ilang miyembro ng PNP, katuwang ang National Bikers Organization, sa pamamagitan ng commemorative ride ang mga miyembro ng "SAF 44" na napaslang sa isang engkuwentro laban sa mga rebeldeng Moro noong Enero 2015.

Kasunod ito ng kanilang operasyong nakapatay sa Malaysian bomb expert na si Zulkifli Bin Hir alyas "Marwan" sa pinagtataguan nito sa Sitio Tukanalipao.

Nagsimula ang padyak sa Luneta Park sa Maynila at dumaan sa PNP-SAF Training School sa Fort Santo Domingo sa Sta. Rosa, Laguna.

"This is the only way we can somehow thank and recognize the service of our protectors and public servants," ani Benedict Camara, pinuno ng National Bikers Organization.

"Hindi sila makalimutan until magkaroon ng justice," dagdag ni Camara.

Huminto ang commemorative ride sa PNP Academy sa Silang, Cavite kung saan nagdaos ng pormal na programa para sa SAF 44.

Inalayan ng bulaklak at 21-gun salute ang mga tinaguriang "fallen heroes."

Inspirasyon

Sa kaniyang talumpati, sinabi ni PNP chief Director-General Ronald Dela Rosa na inspirasyon sa mga pulis ang kabayanihang ipinakita ng SAF 44.

"The memories of their service and heroism will continue to serve as the beacon of light for us who are left behind to carry on the fight [against] the evil elements of society," sabi ni Dela Rosa.

Tiniyak din ni Dela Rosa sa mga naulila ng SAF 44 na tuloy ang imbestigasyon para makamit ang hustisya.

Noong nakaraang taon, idineklara ni Pangulong Rodrigo Duterte ang Enero 25 bilang National Day of Remembrance para igunita ang SAF 44.

-- Ulat ni Mariz Laksamana, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.