Wuhan virus: Pamimigay ng visas on arrival sa mga Chinese tigil muna

ABS-CBN News

Posted at Jan 28 2020 04:12 PM | Updated as of Jan 28 2020 07:00 PM

Naka-face mask ang isang tauhan ng NAIA Terminal 1 bilang pag-iingat laban sa bagong strain ng coronavirus na galing Wuhan, China. Mark Demayo, ABS-CBN News

(UPDATE) Ipinatigil muna ng Bureau of Immigration (BI) ngayong Martes ang pamimigay ng visas upon arrival sa mga Chinese bilang pag-iingat laban sa bagong coronavirus kasabay ng pag-anunsiyo ng mga health official na nadagdagan ang mga pasyente sa bansa na pinaghihinalaang nahawahan ng nasabing sakit.

Ayon kay Immigration Commissioner Jaime Morente, sinuspende muna nila ang pamimigay ng visas upon arrival (VUA) sa mga Chinese national para mapabagal ang pagpasok ng mga turista sa bansa at mapigilan ang pagpasok ng virus sa Pilipinas.

Watch more in iWant or TFC.tv

“We are now temporarily suspending the issuance of VUA for Chinese nationals to slow down the influx of group tours,” ani Morente sa pahayag.

“We are taking this proactive measure to slow down travel and possibly help prevent the entry of the 2019-nCov,” dagdag ni Morente, na tinutukoy ang 2019 novel coronavirus na galing lungsod ng Wuhan sa central China.

Nilinaw din naman ni Morente na walang utos para ipagbawal ang pagpasok ng mga Chinese national.

Taong 2017 nang simulang ialok sa mga Chinese national ang visa upon arrival para mapalakas ang turismo ng bansa. Kabilang sa mga maaaring makakuha nito ang mga negosyante, atleta, mga delegado ng international convention, at mga tour group.

Pinag-aaralan na rin ng gobyerno ang posibilidad ng pag-repatriate o pagpapauwi sa mga Pilipino na nasa Wuhan.

Ayon naman sa inter-agency task force ng Pilipinas, maaaring umuwi ang mga Pinoy mula Wuhan kung gusto nila pero puwede ring manatili.

Sa panayam ng DZMM, inabisuhan ni Philippine Ambassador to China Chito Sta. Romana ang mga Pinoy na gustong manatili sa Wuhan na makipag-ugnayan sa pinakamalapit na konsulado ng Pilipinas para sa kahit anong pangangailangan.

Pinayuhan din ni Sta. Romana ang mga Pinoy sa Wuhan na manatili sa loob ng mga bahay at iwasan ang pagpunta sa matataong lugar para hindi mahawa sa sakit.

“Ang abiso namin sa Filipino community, self-quarantine. Lalo na sa Wuhan, stay in your homes, minimize contact with others,” aniya.

Nasa 150 ang mga Pinoy sa Wuhan at higit 300 sa Hubei province na nakakasakop sa lungsod.

MGA PINAGHIHINALAANG MAY WUHAN CORONAVIRUS NADAGDAGAN

Muli namang iginiit ni Health Secretary Francisco Duque III sa isang press conference na wala pa ring naitatalang kaso ng bagong coronavirus sa Pilipinas.

Watch more in iWant or TFC.tv

Pero ayon kay Health Undersecretary Eric Domingo, umakyat na sa 27 ang bilang ng mga dayuhan sa bansa na inoobserbahan para sa novel coronavirus.

Walang Pilipino sa mga binabantayan at karamihan sa kanila ay mga Chinese, ani Domigno.

Ang virus na galing Wuhan ang pinakabagong uri ng coronavirus, na isang pamilyang kinabibilangan din ng severe acute respiratory syndrome (SARS) at Middle East respiratory syndrome coronavirus (MERS-CoV).

Nasa 2,700 tao ang nahawahan ng virus habang higit 100 ang namatay na. Bukod sa China, kumalat na rin ang virus sa ibang mga bansa kabilang ang Amerika, France, Germany, at Australia. -- May ulat nina Apples Jalandoni, Jacque Manabat, Zen Hernandez, at Arianne Merez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.