Pulis patay sa pamamaril sa Negros Oriental

Martian Muyco, ABS-CBN News

Posted at Jan 28 2020 11:23 PM | Updated as of Jan 28 2020 11:55 PM

Kuha ni Roy Ortega

Patay ang isang pulis matapos itong pagbabarilin ng mga hindi pa nakilalang armadong salarin sa national highway sa bayan ng San Jose, Negros Oriental Martes ng gabi.

Kinilala ang biktima na si Police Exe. MSgt. Roldan Esmajer, na assigned sa police station ng San Jose.

Sa imbestigasyon ng pulisya, papunta sana sa presinto si Esmajer alas-7 ng gabi nang pagbabarilin siya ng backrider ng isang motorsiklong sumusunod sa kanya.

Parehong naka-helmet ang dalawang salarin, ayon sa pulisya.

Tatlong tama ng bala ang natamo ni Esmajer. Agad siyang isinugod sa ospital pero binawian din siya ng buhay.

Hindi pa matukoy ng pulisya kung ano ang motibo sa pagpatay kay Esmajer.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga awtoridad sa krimen.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.