Magsasaka, patay sa pamamaril sa Iloilo

Hernani Escullar Jr., ABS-CBN News

Posted at Jan 28 2020 10:15 PM

SARA, Iloilo – Patay ang isang 43 anyos na magsasaka matapos barilin ng 2 nakamotorsiklong salarin sa Barangay Alibayog sa bayan ng Sara, Iloilo Martes ng tanghali.

Dead on arrival sa hospital si Renante Toting, 45 taong gulang na residente ng Brgy. Improgo, Sara, Iloilo.

Sa imbestigasyon ng Sara police, galing sa bus terminal ang biktima at ang kaniyang asawa. Sakay sila sa motorsiklo, at may dalang 4 na sakong binhi ng bigas.

Tumigil sila upang ayusin ang mga karga lalo na at malubak ang daan papunta sa kanila bahay.

Ilang minuto lang ang nakalipas, dumaan ang dalawang lalaking nakabonnet at nakaputing jacket na lulan ng pulang motorsiklo at biglang binaril ang biktima.

Nakatakas ang asawa nito nang marinig ang putok ng baril.

Nagtamo ng tama ng bala sa iba't ibang bahagi ng katawan ang biktima.

Patuloy ang imbestigasyon ng awtoridad sa motibo ng krimen.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.