Magsasaka at kalabaw niya, patay matapos masagi ang live wire sa Leyte

ABS-CBN News

Posted at Jan 28 2020 08:59 PM

MANILA - Isang magsasaka at ang kaniyang alagang kalabaw ang nasawi matapos makuryente sila ng live wire sa bayan ng Alang-alang sa Leyte nitong Lunes.

Kinilala ang magsasaka na si Romualdo Pace, 60.

Ayon sa pulisya, papunta sa palayan ang biktima at ang kanyang alaga para maglagay ng abono sa kaniyang mga pananim, nang aksidente nilang masagi ang nakalaylay na kable ng kuryente sa isang daan sa Barangay Santiago.

Agad binawian ng buhay si Pace at ang kalabaw niya.

Nagalit ang pamilya ng magsasaka dahil wala umanong paalala o babala na may nakalaylay na live wire sa lugar.

"Daanan talaga siya ng tao, so wala talagang naka-sign dun. Walang nakalagay na bawal daanan dito. So ang tatay ko, dire-diretso lang dun,” ani Lilibeth, anak ng biktima.

Sinabi ng general manager ng Leyte III Electric Cooperative, Inc. (LEYECO III) na magsasagawa sila ng imbestigasyon sa nangyari.

Handa rin umano ito magbigay ng financial assistance sa pamilya ng magsasaka. --Ulat ni Geron Ponferrada, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.