Fil-Am coach kasama ni Kobe Bryant sa bumagsak na helicopter

ABS-CBN News

Posted at Jan 28 2020 07:09 PM | Updated as of Jan 28 2020 07:26 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Kumpirmadong Filipino-American ang isa sa mga kasama ng namayapang NBA star na si Kobe Bryant nang bumagsak ang sinasakyan nilang helicopter noong hapon nang Linggo (madaling araw nang Lunes sa Pilipinas). 

Kasama si Christina Mauser, 38, sa helicopter crash na ikinamatay nina Bryant, ang anak nitong si Gigi, at 6 iba pang sakay ng helicopter sa Calabasas, California. 

Si Mauser umano ang coach ng 13 anyos na si Gigi simula pa noong elementary, ayon sa pinsan ni Mauser na si Melanie Ramil. 

Si Mauser din ang assistant coach ni Kobe sa Mamba Academy, isang youth training center na itinalaga ng pumanaw na Los Angeles Lakers star. 

Sinabi ng biyudo ni Mauser na si Matt na nakitaan ni Bryant ng potensyal si Christina sa pagiging coach

Napahanga rin umano siya sa husay nito sa pagturo ng pagde-depensa sa mga bata. 

Napakasakit para kay Matt ang nangyari at aminado siyang hindi pa niya alam kung paano mabubuhay sa pagpanaw ni Christina, salaysay nito sa mga panayam sa US websites. 

Sa ngayon, 3 sa 9 katawan pa lang ang nare-rekober ng mga awtoridad at hirap pa rin silang makuha ang iba pang katawan, ayon kay Sheriff Alex Villanueva ng Los Angeles County. 

Masamang panahon o fog ang tinitingnang dahilan ng pagkabagsak ng helicopter.

"We're still waiting on the coroner to do their jobs and make the identifications. They are busy recovering the remains as we speak. It's a very difficult task. It's gonna take a while, so be patient," ani Villanueva. 

Pero bukas pa rin ang mga opisyal sa iba pang posibilidad, ayon kay Jennifer Homendy ng National Transportation Safety Board. 

PAGLULUKSA, PAG-ALAALA NAGPAPATULOY 

Patuloy pa rin ang pagdagsa ng fans na nais mag-alay ng mga bulaklak at iba pang memorabilia, maging ang pagsusulat ng huling mensahe. 

Nakiramay din ang mga tagahanga sa bahay ni Bryant sa Newport Beach. 

Emosyonal naman ang naging pahayag ng NBA player na si LeBron James sa balitang patay na si Bryant. 

Maaalalang binigyang-alay ni Bryant si James sa huli nitong tweet, bago mangyari ang helicopter crash. 

Sa pahayag, inamin ni James na hindi pa siya handang magsalita at nagiging emosyonal umano siya kapag naiisip sina Kobe at ang inaanak na si Gigi. 

Pangako umano ni James, na ngayo'y naglalaro para sa Los Angeles Lakers, na ipagpatuloy ang sinimulan ni Kobe. 

Samantala, ipapasok si Bryant bilang first ballot honoree sa Naismith Hall of Fame Ceremony, isang prestihiyosong pagtatanghal ng mga batikang NBA player na ginaganap tuwing Agosto.-- Ulat ni TJ Manotoc, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.