Bangkay ng sanggol, natagpuang lumulutang sa sapa sa Isabela

Darlene Gemino, ABS-CBN News

Posted at Jan 28 2020 08:30 PM | Updated as of Jan 28 2020 09:16 PM

SANTIAGO CITY, Isabela – Natagpuang palutang-lutang sa sapa sa Barangay Buenavista sa Santiago City, Isabela ang bangkay ng isang lalaking sanggol nitong Sabado. 

Hinihinalang bagong silang lamang ang sanggol na may 11 pulgada ang haba.

Kumpleto naman umano ang iba’t ibang bahagi ng katawan nito, nakadapa ito at walang anumang saplot nang makita ng dalawang kabataang naliligo sa sapa.

“Ninerbiyos kami nang bahagya kasi first time naming makakita ng ganun. Nakadapa siya. Talagang buong-buo,” ani Barangay Tanod Andres Villanueva.

Teorya ng pulisya, itinapon ang sanggol.

“May posibilidad na itinapon lang ng nanay kasi flowing yung tubig. Kung titingnan sa southern part, tuloy ang flow ng ilog. Kaya maaring itinapon lang,” ayon kay PMaj. Reynaldo Maggay, station commander ng Santiago City Police office 1.

Patuloy na iniimbestigahan kung sino ang mga magulang o nagtapon ng sanggol.

Binigyan na ito ng disenteng libing ng mga pulis.

Noong nakaraang taon, isang fetus ang natagpuan sa palikuran ng isang bus terminal sa siyudad at hinihinalang tinangka itong i-flush. 

Nananawagan ang pulisya sa publiko lalo na sa mga magulang na pag-isipang mabuti ang lahat ng gagawing hakbang.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.