Bata patay sa sunog sa Davao de Oro

Claire Cornelio, ABS-CBN News

Posted at Jan 27 2020 07:59 PM

COMPOSTELA, Davao de Oro - Patay ang isang bata nang masunog ang kanilang bahay sa Barangay Mapaca sa bayan ng Compostela sa Davao de Oro Sabado ng gabi.

Kinilala ang biktima na si Princess Magbanua, 1 taon at 4 na buwang gulang.

Base sa imbestigasyon, wala sa bahay ang amang si Ennie Magbanua at naiwan ang dalawa niyang anak sa bahay dahil pumunta siya sa internet cafe para i-contact ang kaniyang asawang nagtatrabaho sa Saudi Arabia.

Mabuti na lang na umuwi ang isa pa nilang kapatid galing sa kapitbahay na nanood ng TV at nadatnan na may apoy na sa kanilang bahay kaya ginising niya ang kaniyang nakababatang kapatid. Ngunit hindi na nakalabas ang biktima dahil may apoy na sa duyan kung saan siya natutulog.

"Malaki na ang apoy dito sa bubongan, nilibot na ng asawa ko doon sa likod malaki na rin ang apoy, 'di na sila makapasok," ani Penil Baco, kapitbahay ng pamilya.

Lumalabas rin sa imbestigasyon na sa kuwarto kung nasaan si Princess nagmula ang apoy.

Pinaniniwalaang nakasinding kandila ang dahilan ng sunog dahil isang linggo na mula nang maputulan sila ng suplay ng kuryente.

"Sabi ng ama, January 20 pa lang naputulan sila ng kuryente... so siguro 'di talaga kuryente ang dahilan kasi wala ng linyada, posible rin naiwan na nakasinding kandila o any other possibilities," paliwanag ni SFO1 Ian Cruda ng Bureau of Fire Protection sa Compostela.

Humihingi ng tulong ang pamilya Magbanua para maipalibing si Princess at para rin makauwi ang kaniyang ina na nasa Saudi.

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.