20 pangolin nasagip sa Palawan

ABS-CBN News

Posted at Jan 27 2020 05:26 PM

20 pangolin ang nasagip ng mga awtoridad mula sa wildlife trafficker sa Palawan. Retrato mula sa Department of Environment and Natural Resources

Nasa 20 pangolin ang nasagip mula sa wildlife trafficker sa bayan ng El Nido, Palawan, ayon sa mga awtoridad.

Matapos manmanan, sinalakay noong Sabado ng mga awtoridad ang lugar na pinagtataguan ng isang 33 anyos na lalaki sa mga pangolin sa Barangay Pasadeña.

"Ang sistema nila is kinokolekta 'yan. Kapag marami na, ready for shipment na, saka 'yan dadaanan. Ibi-biyahe through bangka," ani Jovic Fabello, tagapagsalita ng Palawan Council for Sustainable Development.

Maaari raw galing pa sa iba't ibang bahagi ng Palawan ang mga pangolin, na agad pinakawalan noong Linggo matapos suriin at makitang maayos ang mga kondisyon.

Ang pangolin ay kabilang sa IUCN Red List of Threatened Species o listahan ng mga hayop na nanganganib nang maubos.

Sa buong mundo, 8 lang ang species ng pangolin at ang nag-iisa rito ay matatagpuan lamang sa Palawan.

Mahaharap ang lalaki sa kasong paglabag sa Republic Act No. 9147 o Wildlife Resources Conservation and Protection Act.

-- Ulat ni Lynette Dela Cruz, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.