VIRAL: Mga babaeng naka-uniporme nanggulpi sa kalsada; DepEd mag-iimbestiga

ABS-CBN News

Posted at Jan 27 2019 03:19 PM | Updated as of Jan 27 2019 11:58 PM

Ayon sa biktimang ginulpi, pinag-initan siya ng grupo matapos pagbintangang nag-angas sa group chat nilang magbabarkada. Screengrab

Viral ngayon sa social media ang video ng umano'y pambu-bully at pananakit ng mga batang babaeng naka-uniporme sa kapwa babae sa Barangay Pineda, Pasig.

Sa video, makikita ang nasa walong batang babaeng naka-uniporme, na nasa edad 12 hanggang 15, na pinalilibutan si alyas "Cheska," 14. 

Maya-maya pa, salitan pinagsasampal at sinabunutan si Cheska ng mga babae, hanggang sa mapahiga sa semento ang biktima. 

Ayon kay Cheska, pinag-initan siya ng grupo matapos pagbintangang nag-angas sa group chat nilang magbabarkada. 

Watch more in iWant or TFC.tv

Dinampot ang walong kabataang nanakit noong Huwebes nang matiyempuhang lumalabag sa curfew ng mga taga-barangay.

Nitong Sabado, ipinatawag ng Bgy. Pineda ang magkabilang panig, kung saan sila nagkapatawaran.

Pero ayon kay Cheska, binantaan pa umano siya ng grupo.

"Bubugbugin daw po nila ako ulit tapos narinig po yata ng taga-barangay," aniya. 

Naaalarma naman ang barangay dahil sa insidente. 

"Naghahanap sila ng place nila sa society. Gusto nilang ma-recognize. Pero 'yan, karaniwan 'yan, sa mga batang lalaki nangyayari. Hindi sa batang babae. Kakaiba," hinaing ni Francisco de Leon, chairman ng Bgy. Pineda. 

Ayon sa Department of Education (DepEd), iniimbestigahan na nila ang insidente at iginiit na mahigpit nitong pinatutupad ang mga polisiya laban sa bullying.

"Lahat po ng mga batang nakita natin diyan sa video, even the witnesses, kailangan po nating malaman iyong level of psychological implication at saka po iyong trauma," ani DepEd undersecretary Anne Sevilla.

Nasa Bahay Aruga na sa Pasig ang walong babaeng nam-bully habang desidido ang pamilya ng biktima na ituloy ang kasong physical injuries at assault sa mga nanakit sa kaniya. —Ulat ni Arra Perez, ABS-CBN

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.