'Tulak' at kasabwat timbog matapos makuhanan ng 9 sachet ng shabu

ABS-CBN News

Posted at Jan 27 2019 03:06 PM

Arestado sa Tayabas City, Quezon noong Biyernes ang isa umanong tulak ng ilegal na droga na nakuhanan ng siyam na sachet ng shabu na nagkakahalaga ng higit P100,000.

Sa video ng buy-bust operation ng Quezon Police provincial intelligence branch, kita ang nagpanggap na buyer na nakikipagtransaksiyon sa tulak na si alyas "Gina."

Matapos ang ilang sandali, iniabot na ni Gina ang siyam na sachet ng hinihinalang shabu na tinatayang nasa 21 gramo ang timbang.

Doon na inaresto si Gina pati ang kasamahan niyang si alyas "Biena."

Batay sa impormasyon ng Quezon police, dayo lamang sa lugar mula sa Cavite si Gina. 

"Accordingly itong si Gina ay nasa watch list na ng Cavite. At ito ay bago-bago pa lamang dito, tatlong beses na umano siyang nag-deliver ng shabu dito sa Quezon particularly sa Tayabas," ani Quezon police director Senior Superintendent Osmundo de Guzman.

Si Gina din umano ang itinuturong source ng ilan pang nahuhuling maliliit na tulak ng droga sa lugar.

Naging mainit ang suspek sa Cavite kaya sa area ng Laguna at Quezon ito naghahanap ng parokyano, ayon sa pulisya.

"Dito wala naman nang masyadong malaki sa Quezon. Yun lang ang nagiging problema natin, 'yung pumapasok na nanggagaling pa sa ibang probinsiya," ani De Guzman.

Tumangging magbigay ng pahayag ang mga naaresto.

—Ulat ni Paulo Ferrer, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.