Banyaga na nagpapalit ng pekeng euro, arestado sa Quezon City

ABS-CBN News

Posted at Jan 27 2018 02:08 PM


MANILA - Isang Romanian ang arestado matapos mahuling nagpapapalit ng pekeng euro sa isang money changer sa Timog Avenue sa Quezon City, Sabado ng madaling araw.

Ayon sa imbestigasyon, ito na ang pangatlong beses na gumamit ng pekeng pera ang Romanian suspek na si Simeon Mihay.

Una siyang nagpapalit sa D Best Money Changer, pangalawa sa Mhudzmar Money Changer sa Mandaluyong, at pangatlo sa Mae Money Changer.

Hindi bababa sa P100,000 kung susumahin ang halaga ng mga naipapalit umano na pera ni Mihay. 

Hindi itinanggi ng suspek ang ilegal na gawain, ngunit giit niya ay sumusunod lamang siya sa utos ng isang British national. 

Ayon kay Mihay, Disyembre noong nakaraang taon nang kumbinsihin siya ng nobyang Briton na pumunta sa Pilipinas para magtrabaho bilang web designer. Ngunit pagdating niya rito, wala raw palang nag-iintay na trabaho. 

Kuwento ni Mihay, napasama siya sa isang grupo kung saan inuutusan siyang magpapalit ng pekeng pera kapalit ng panggastos para sa pagkain at pangbayad sa hotel. 

Ayon sa suspek, nauna na siyang nahuli sa Pasay City noong Disyembre 17 pero nakalaya pati ang mga kasamang British at Lithuanian. 

Maaaring maharap sa kasong estafa at swindling ang suspek. 

Sabi ni Mihay, handa siyang makipag tulungan sa mga awtoridad para mahuli ang mga kasabwat niya. 

Makikipag-ugnayan ang mga pulis sa embahada ng Romania upang abisuhan ang mga opisyal tungkol sa insidente.
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.