Mga OFW na dating guro at LET passers, puwedeng magturo ulit sa bansa

ABS-CBN News

Posted at Jan 26 2020 06:44 PM

Pinangungunahan ng isang guro ang pagkanta ng pambansang awit ng mga mag-aaral sa President Corazon C. Aquino Elementary School sa Batsan Road, Quezon City. Alec Corpuz, ABS-CBN News

MAYNILA — Nakatapos ng kursong elementary education si Virgie Caalim pero hindi pinalad na pumasa sa unang beses na pagkuha ng licensure exam for teachers (LET).

Bunsod nito, tinalikuran muna ni Caalim ang pangarap na maging guro at piniling mamasukan bilang domestic worker sa ibang bansa sa loob nang 8 taon.

Watch more in iWant or TFC.tv

"Ang hirap talaga maghanap ng trabaho dito... Sa ibang bansa, at least malaki-laki ang kita, nakakatulong ka sa family mo," ani Caalim sa panayam ng ABS-CBN News.

Nang magkaroon ng tsansang makapagturo ulit sa sariling bansa, hindi nagdalawang-isip si Caalim.

Muli siyang kumuha ng LET at nakapagturo sa ilalim ng programang "Sa 'Pinas Ikaw ang Ma'am/Sir" (SPIMS) ng National Reintegration Center for OFWs (NRCO).

"Doon lang nabuhayan 'yong pag-asa ko na nawala nang matagal na panahon," aniya.

Para makapaosk sa SPIMS, dapat ay graduate ng kursong education, pumasa sa LET exam, kasalukuyang OFW o nagbalik sa bansa sa nakalipas na 3 taon.

Mas maganda na may karanasan sa pagtuturo kung wala ay maaari namang kumuha ng libreng online refresher course.

"Preferred talaga 'yong mga OFW. Kahit nasa abroad ka pa, puwede kang mag-apply," ani NRCO Director Roel Martin.

Sa datos ng NRCO, lumabas na pinakamaraming OFWs na nagbalik-bansa para magturo ay mga dating guro at domestic worker.

Patunay ito, ayon sa grupong Alliance of Concerned Teachers (ACT), kung bakit dapat nang itaas ang sahod ng mga guro sa bansa.

"Ang natatanging solusyon diyan ay 'yong sapat, disente at makataong pasuweldo," ani ACT Secretary General Raymond Basilio.

Ayon sa NRCO, sa darating na pasukan ay inaasahang may 1,000 OFW ang mabibigyan ng Department of Education ng mga regular na posisyon bilang mga guro. —Ulat ni Zen Hernandez, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.