Bilang ng mga namatay sa China dahil sa Wuhan virus pumalo sa higit 50

ABS-CBN News

Posted at Jan 26 2020 05:57 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA — Pumalo na sa 2,017 ang kumpirmadong kaso ng 2019 novel coronavirus (2019-nCov) o tinatawag ngayong Wuhan virus dahil sa hinihinalang pinanggalingan nitong lungsod sa China, ayon sa huling ulat ng mga awtoridad nitong Linggo. 

Sa huling tala, 56 ang nasawi sa sakit sa mainland China, kung saan din may pinakamaraming nagpositibo sa misteryosong virus.

Ayon sa gobyerno ng China, karamihan sa mga namatay ay mga matatanda o iyong mga may problema na sa kalusugan bago pa dapuan ng 2019-nCov.

Maliban sa China, mayroon na ring mga kaso ng 2019-nCov sa Australia, France, Japan, Malaysia, Singapore, Nepal, South Korea, Taiwan, Thailand, US, at Vietnam. 

Sa ngayon ay wala pang kumpirmadong kaso ng virus sa Pilipinas, pero may ilang indibidwal at grupo ang sinusuri at inoobserbahan matapos magpakita ng sintomas ng sakit.

Paalala naman ng Department of Health (DOH) sa publiko, huwag mag-panic at sa halip ay maging alerto sa pamamagitan ng pag-monitor ng mga pahayag ng ahensiya. 

Huwag din daw basta-bastang maniwala sa mga hindi kumpirmadong balita.

Sinisikap ngayong makakuha ng Research Institute for Tropical Medicine (RITM) ng reagents at primer ng virus, na mga sangkap para makapagsagawa ng confirmatory test para sa 2019-nCov dito sa bansa

"Marami pa tayong hindi alam tungkol sa nCov...Pinag-aaralan pa ng mga scientist. Kaya mahalaga lang na maghanda," ani Dr. Napoleon Arevalo, director ng DOH-Disease Prevention and Control Bureau. 

Suspendido pa rin ang direct flights mula Wuhan, China papuntang Kalibo International Airport.

Higit 300 turista ang napauwi na sa Wuhan habang may 150 pa na aalis sa Lunes.

Hindi na rin muna tumatanggap ang Bureau of Immigration (BI) ng visa application mula Wuhan, China.

"We started denying applications of visa upon arrival from applicants flying in via direct flights from Wuhan, China," sabi sa isang pahayag ng BI.

Payo ng DOH, kung bumiyahe sa Wuhan, China o lugar na may mga kaso ng nCov, dapat obserbahan na ang sarili at iwasan munang makihalubilo sa maraming tao. 

Kung magkakaroon ng mala-trangkasong sintomas ay agad na ikonsulta ito sa doktor.

Mga Pinoy sa Hong Kong todo-ingat

Watch more in iWant or TFC.tv

Samantala, doble-ingat na rin ang mga Pilipinong manggagawa sa Hong Kong matapos magdeklara ng emergency level ang naturang administrative region ng China. 

"We need to step up our immigration control in order to control the spread of the disease," ani Hong Kong chief executive Carrie Lam.

Nagbaba na rin ng importanteng abiso ang Philippine Consulate General doon para sa lahat ng Pinoy. 

"We urge all Filipinos in Hong Kong to cooperate with said initiative especially by following guidelines issued by Hong Kong health authorities," anila sa isang pahayag. 

Pinayuhan din ang mga Pinoy na gawin ang mga sumusunod na hakbang para hindi mahawa ng 2019-nCov:

"Filipinos in Hong Kong are advised to take necessary precautions (use of face mask, wash hands thoroughly, maintain good personal hygiene), avoid large crowds and gatherings, and avoid interaction with persons exhibiting symptoms. Community organizations are also advised to postpone public events to help reduce the risk of infection." 

Sa isang text message naman, kinumpirma ni Philippine Consul General Raly Tejada na naka-quarantine ngayon ang isang Pinay domestic helper matapos ma-trace na na-expose ito sa 2 bisita ng kaniyang amo na nagpositibo sa Wuhan virus. 

"Rest assured that the PCG is in close contact with the HK department of health and will monitor her condition [and] render necessary assistance," ani Tejada.

Isinara na rin ang Hong Kong Disneyland at Ocean Park para iwasan ang pagkalat ng naturang sakit. —Ulat nina Apples Jalandoni at Isay Reyes, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.