2 spa sa Calamba nilusob dahil sa umano'y extra service; 2 kahera timbog

ABS-CBN News

Posted at Jan 26 2019 04:29 PM | Updated as of Jan 26 2019 09:48 PM

Watch more in iWant or TFC.tv

Dalawa ang arestado sa entrapment operation na ikinasa laban sa dalawang establisimiyento sa Calamba, Laguna na umano’y sangkot sa human trafficking.

Pasado alas-10 ng gabi Biyernes ay pinasok ng mga operatiba ng Calamba police ang dalawang establisimiyento sa lungsod na parehong nag-ooperate bilang spa.
 
Base kasi sa surveillance ng mga pulis, nag-aalok ang mga massage therapist ng establisimiyento ng "extra service" sa halagang P1,500 pataas.
    
Dalawang kahera ng parehong establisimiyento ang naaresto sa entrapment operation habang nakatakas naman ang mga may-ari nito.
    
Nasagip naman ang 24 kababaihan na nagtatrabaho sa mga spa.

Sa ngayon ay nasa kustodiya muna ng Calamba police ang mga babae habang pinoproseso ng Department of Social Welfare and Development ang paglipat sa kanila sa temporary shelter.

Nakatakda namang kasuhan ang dalawang naarestong sangkot umano sa human trafficking.

Madalas daw na isinasagawa ng Calamba police ang mga ganitong entrapment operation para masigurong ligtas ang mga kababaihan at menor de edad sa lungsod.


—Ulat ni Apples Jalandoni, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.