Motorsiklo sumalpok sa SUV ng police general sa Zamboanga City; 1 sugatan

ABS-CBN News

Posted at Jan 25 2020 12:58 PM

ZAMBOANGA CITY - Sugatan ang isang lalaki matapos sumalpok ang kaniyang minamanehong motorsiklo sa sports utility vehicle (SUV) ng isang police general nitong siyudad, Biyernes ng gabi.

Nagtamo ng sugat sa braso ang drayber ng motorsiklo at agad na dinala sa ospital.

Ayon sa report ng Police Station 7, minamaneho ni Police Brig. Gen. Angelito Casimiro, director ng Police Regional Office (PRO) Cagayan Valley, ang kaniyang SUV pauwi sa kanilang bahay sa Barangay Cabatangan nang sumalpok ang isang motorsiklo sa gilid nito.

Nakasakay sa SUV ang misis at anak ni Casimiro nang mangyari ang insidente. Hindi naman nasaktan ang police general at kaniyang pamilya, pero nasira ang bumper ng sasakyan nito.

Ayon naman sa police escort ni Casimiro na si Police Maj. Gary Bahoy, gumagamit umano ng cellphone ang drayber ng motorsiklo habang nagmamaneho hanggang sa napunta ito sa kabilang lane.

Iniwasan ni Casimiro ang kasalubong na motorsiklo hanggang sa mawalan siya ng kontrol sa manibela at dumeretso sa isang pader, bago bumangga sa isang punong kahoy.

Ayon sa mga pulis, walang driver’s license ang motorcycle rider at student permit lang ang naipakita nito sa mga awtoridad.

Patuloy ang imbestigasyon ng mga pulis sa insidente. - Ulat ni RJ Rosalado, ABS-CBN News
 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.