Babae patay matapos magulungan ng bus sa Mandaluyong; 2 sugatan

Fred Cipres, ABS-CBN News

Posted at Jan 25 2020 06:11 AM

Patay ang babaeng backrider ng isang motorsiklo na nagulungan ng bus Sabado ng madaling araw sa EDSA Ortigas kanto ng Connecticut St., Mandaluyong.

Namatay sa Mandaluyong Medical Center ang biktima na kinilalang si Mary Grace Recosana, 24 anyos, matapos magtamo ng mga injuries sa katawan.

Kasama ring sinugod sa ospital ang motorcycle rider at ang driver ng naaksidenteng bus matapos magtamo ng mga sugat sa katawan. 

Ayon kay MMDA Traffic Aide 1 Noe Aban, pilit umanong iniwasan ng Taguig Metrolink Bus na minamaneho ni Viemar Beltran ngunit dahil mabilis ang takbo nito, nadaplisan pa rin ang motorsiklo.

Nawalan ng control ang driver ng motorsiklo hanggang sa pumailalim sa kanang gulong sa likurang bahagi ng bus ang katawan ni Recosana at ng motorcycle rider na si Rey Rivero. 

Hawak na ng Mandaluyong Police traffic investigation ang driver ng bus. 

Desidido naman ang pamilya ni Recosana na samapahan ng kaso ang driver ng bus ng reckless imprudence resulting in homicide. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.