Dispensa giniit mula sa 'mahalay' na bikini open sa Tarlac

ABS-CBN News

Posted at Jan 25 2019 06:06 PM | Updated as of Jan 25 2019 07:40 PM

Humingi ng paumanhin si barangay secretary Orlando Ingar sa mga residenteng nakasaksi sa malaswang bikini open show noong Enero 9. Screengrab

Humingi ng public apology ang barangay council hinggil sa video ng umano ay malaswang bikini open sa Barangay Maligaya, Tarlac City na kumalat sa social media kamakailan. 

Naging usap-usapan kasi sa social media ang pagtatanghal ng ilang kandidata sa bikini open na isinagawa sa fiesta ng barangay noong Enero 9.

Sa viral video, ilang kandidata ang nagtanggal ng kanilang pang-itaas sa harap ng mga manonood. 

Umani ito ng iba’t ibang reaksiyon, hindi lang sa social media, kundi maging sa mga residente.

"Nahihiya ako bilang babae, lalo na parang mga anak ko na 'yun, tapos 'yung mga nanonood kung sino-sino lang," ayon sa residenteng si Veronica Canlas.

Dahil sa nangyari, humihingi ng public apology ang barangay council at nilinaw na 2-piece bikini show lang ang napagkasunduan para sa premyong P3,000, P5,000, at P7,000 sa mga magwawagi. 

Pagpapaliwanagin din daw nila ang organizer ng bikini open.

"Pag-uusapan ng council kung sakali anong ipa-file naming kaso. Masyado na kaming na-down nang husto sa ginawa... Humihingi na kami public apology," ayon kay barangay secretary Orlando Ingar.

Sa imbestigasyon ng City Social Welfare and Development (CSWD) office, dayo lang ang mga sumali sa patimpalak. 

Kahit pa nasa edad na ang mga kalahok, may paglabag pa rin daw ito sa karapatan ng mga kababaihan.

"Para malaman nila na may limitasyon sa pagpapalabas ng ganito at para sa mga kababaihan na hind maging kasangkapan," ani Jimbo Soriano, head CSWD ng Tarlac City. 

Sa ngayon, hindi na umano mahagilap ang organizer ng bikini open.

-Ulat ni Joanna Tacason, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.