1 sugatan sa karambola ng 3 sasakyan sa Maynila

ABS-CBN News

Posted at Jan 25 2019 04:47 AM | Updated as of Jan 25 2019 07:08 AM

Watch more in iWant or TFC.tv

MAYNILA - Isa ang sugatan sa karambola ng 3 sasakyan sa Mabini Bridge sa Maynila Huwebes ng gabi.

Naipit si Larry Advincula sa minamanehong closed delivery van matapos ma-sandwich ng tank truck at 10-wheeler.

Umabot ng isang oras bago natanggal ang biktima sa pagkakaipit. Nagtamo si Advincula ng sugat sa paa at agad itinakbo sa ospital.

Sa paunang imbestigasyon, patungong Maynila ang 3 sasakyan nang maaksidente alas-11:30 ng gabi.

Nawalan umano ng preno ang 10-wheeler kaya sumalpok sa likuran ng closed delivery van.

"Tinapakan ko 'yung break niya, wala na," ani Jackson Cabrillas, drayber ng 10-wheeler.

Tumama naman ang closed delivery van sa harapan nitong tank truck. Nagdulot ang aksidente ng bahagyang pagbagal ng trapiko sa lugar.

Ayon sa Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), madalas silang may nirerespondehang aksidente sa lugar. Dapat siguraduhin umano ng mga motorista na maayos ang kondisyon ng kanilang sasakyan bago bumiyahe - ulat ni Lady Vicencio, ABS-CBN News

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.