Roque, nilinaw ang pahayag na 'di kaya' ng Pinoy magsaliksik sa Benham Rise

ABS-CBN News

Posted at Jan 25 2018 06:43 PM

Nilinaw ni Presidential Spokesperson Harry Roque na hindi niya minaliit ang mga siyentipiko sa Pilipinas nang sabihing China lamang ang "may kakayahang" magsaliksik sa Benham Rise. 

Ani Roque, dapat ay tingnan ang kabuuan ng kaniyang naging pahayag.

Tinutukoy ni Roque ang kaniyang naging kontrobersiyal na pahayag noong Martes sa isang press briefing, kung saan sinabi nitong walang ibang pumasa na mananaliksik sa Benham Rise bukod sa China.

"[N]o one has applied and no one can do it, because, apparently, it's capital-intensive...[O]nly China has qualified so far," ani Roque, na pinuna ng marami, kabilang na ng maritime law expert na si Atty. Jay Batongbacal. 

Pero depensa ni Roque, hindi niya kinumpara ang China sa Pilipinas dahil sa katunayan ay hindi na umano kailangan pang humingi ng pahintulot ang mga Pilipinong nais magsaliksik sa Benham Rise. 

"It is obvious that my statement pertains to China and not the Philippines. As Filipinos, we do not need consent to conduct scientific investigation in Benham Rise because it is subject to our sovereign rights which includes the right to conduct scientific research," paliwanag ng tagapagsalita ng Palasyo.

Pinabulaanan din ni Roque na pinapaburan nila ang China sa naturang kasunduan.

"Request applications to conduct research by the United States, Japan and South Korea have likewise been approved. This hopefully puts to rest the issue that the current administration is favoring China in the issue of Benham Rise," ani Roque.

Hindi naging maganda ang pagtanggap sa kasunduan sa Benham Rise, lalo pa't inaangkin ng China ang ilang parte ng South China Sea na nabibilang sa Pilipinas. 

Nasa silangan ng Isabela province ang Benham Rise, na sinasabing namumukadkad sa sari-saring marine resources at gas reserves. 

Bisitahin ang Patrol.PH para sa iba pang mga balita.