Sundalo patay, 2 pulis sugatan sa engkuwentro sa Marikina

ABS-CBN News

Posted at Jan 24 2020 04:53 PM

MAYNILA -- Patay ang isang sundalo habang sugatan ang 2 pulis matapos magkaengkuwentro sa A. Bonifacio Ave., Marikina City Biyernes ng tanghali.

Ayon kay Police Capt. Renato Samsom, hepe ng community affairs and development unit ng Marikina police, nakasakay sa magkahiwalay na motorsiklo sina Police Executive Master Sgt. Demetrio Sarita Magpali Jr. at Police Master Sgt. Edward Yap, kapuwa nakatalaga sa Criminal Investigation and Detection Group (CIDG).

Hinarang umano sila ng isang lalaking nakamotorsiklo matapos lumiko sa Riverbanks Center at doon nagkapalitan ng putok ng baril ang 3.

Dead on the spot ang lalaki na ayon sa Eastern Police District (EPD) ay isang sundalo batay sa mga ID na nakuha rito.

Tinamaan naman sa ulo, dibdib at tagiliran si Yap habang tinamaan sa binti si Magpali.

Hindi pa sinasabi ng pulisya kung ano ang motibo sa insidente.

"Under investigation pa rin. 'Yong mga imbestigador natin nangangalap pa ng kaukulang ebidensiya," ani Samsom.

Pero ayon sa isang rescuer, isang police operation daw ang nangyari batay sa kuwento sa kaniya ng sugatang pulis.

"Ino-operate daw nila 'yong taong iyon. Bigla na lang daw nagkaputukan kaya ayon ang nangyari," ani Gerald Cauman.

Naghahanap ang pulisya ng kuha ng closed-circuit television (CCTV) camera para sa mas malalimang imbestigasyon.

Nasa 30 basyo ng bala ang nakuha sa crime scene. Tinamaan din ng bala ang isang klinika subalit walang nasaktan doon.—Ulat ni Zhander Cayabyab, ABS-CBN News